Pahaging sa bagong hari

Ni Rogelio G. Mangahas

Aba, bagong hari’y
tila isang multo sa gabi at araw,
dulot ay kilabot
ng anino’t tinig, ng banta’t tungayaw;
Ang idolo pala’y
ang naging diktador nitong sawing bayan—
malaon nang abo’y
minumulto pa rin pati kasaysayan.

Hari, bakit nga ba
lugod mong nalibing sa may puring pook—
labí ng idolong
isang mandarambong, sa baya’y balakyot?
Kahit na batid mong
kayraming biktima ng rehimeng buktot,
puso mo’y minanhid
ng hubris, misteryong talos lang ng bundok.

Hari, bakit ngayo’y
tila lugod mo nang tumumba sa dilim—
bata ma’t matandang
hinalang tumahak sa landas ng baliw?
Tunay bang nanlabán
kahit ang mag-amang may posas sa karsel?
Katarunga’y nahan
sa bayang wika mo’y bayang ginigiliw?

Hari! Kaytapang mong
bumulyaw, kumalas sa banyagang poon,
ngunit ngayo’y bakit
nangangayupapà sa oso at dragón?

Tulad mo nga’y multo,
sa araw at gabi’y may atungal, tahol—
ngunit ang milenyal,
hindi pasisindak sa multo’t diktador!

–Isinulat noong Nobyembre 20, 2016, Araw ni Bonifacio

= = = = =

Si Rogelio Mangahas, ayon sa Komisyon ng Wikang Filipino, ang isa sa mga nagsulong ng matagumpay na modernismo sa panulaang Filipino, kasama sina Lamberto E. Antonio at Rio Alma. Siya ay premyadong makata, manunulat, kritiko, guro, aktibista, makabayan, at tagapagsulong ng panitikan at wikang Filipino.

Pumanaw siya ngayong umaga dahil sa sakit.