Pagkaka-anyo ng wika

ANG wika ay lengwaheng nadidinig. Ihanay ito sa diwa ng John 1:14: “Ang Salita ay nagkalaman at nakipamuhay sa atin”, na pinaging payak ang simbolo ng paglikha. Ang susing-kataga, kung gayon, ay simbolo, na marahil ang tagong pinagmulan ng wika.

Limiing mabuti ang mga wikang umiiral sa ngayon. Hindi ba’t ang mga ito ay sumasagisag sa pagkakaintindihan ng mga tao na sa pagdaan ng panahon ay dahan-dahang nagka-anyo – at narinig? At naging instrumento ng pagkakaintindihan.

Mula pa sa kuwento ng Paglikha, may magpapatunay ba na wikang sinasabi, naririnig, at nauunawaan ang namagitan kina Eba, Adan, at dimonyo? Nagsidating at nagsilisan ang mga panahon, at nagsulputan ang iba’t ibang salik ng kasaysayan kasabay ng ebolusyon ng wika: mula sa mga senyasan ng mga hayop at tao, sa paglilok sa mga bato sa kuweba, hanggang masumpungan na lamang na hindi sila makukuntento sa pagse-senyasan lamang at “pag-uusap” sa pamamagitan ng ekspresyon ng mata. Natuklasan na lamang na maaari ding makapagtalastasan sa pamamagitan ng pag-ungol, pag-ngiti, pagtawa, at pag-iyak bilang ekspresyon ng tuwa, pagkamuhi, at iba pang emosyon. Hanggang sa masumpungan ng mga nilikha na ang mga senyasan at pagpapakita ng mga emosyon na iyon ay “pag-uusap”.

Sa patuloy ng pagtanda ng mundo at panahon, kusang nagkaanyo ang wika. Ang dating mga senyas at pagpapahayag sa pamamagitan ng ekspresyon ng mata at mukha, sa mga ungol, tawa at ismid, at iba pang paraan ng “pag-uusap” ay nagkaroon ng porma ang salita. “Ang salita ay nagkalaman.”

Sa pagdaan ng panahon, umunlad ang isip ng mga nilikha – kasama ang tao na itinuturing na pinakamataas na uring hayop. Dumating ang panahon ng karunungan. Patuloy na pinag-aaralan ng mga nilikha ang agimat ng komunikasyon at pagpapahayag. Pinagyaman ng mga lahi ang kanilang kinagisnang wika. Habang umiinog ang mundo, habang nagkakaedad ang mundo, habang nagkakaroon ng palitan ng salinlahi, habang dumarating ang mga kahanga-hangang teknolohiya – sumasabay ang pag-unlad ng mga wika sa pagbibigay-anyo sa lengwahe.

Kasama ang Wikang Pambansa ng Pilipinas, ang Filipino. #

(Paalaala: Hindi po inirerekomendang ituring na pangkasaysayan at walang maka-agham na salalayan ang sanaysay na ito).

Bahagi ito ng serye ng premyadong mamamahayag at makatang si Carlos Marquez hinggil sa wika ngayong Buwan ng Wika.