Mensahe ng mga biktima ng bagyo sa mundo: hindi mabibili ang aming buhay

Tacloban City. Naglunsad ng kilos-protesta noong Nobyembre 6 ang mga biktima at nakaligtas sa super bagyong Yolanda (Haiyan) bilang pagsalubong sa ikalawang taong anibersaryo ng bagyo. Dala ang mga panawagang singilin ang gobyernong Aquino sa patuloy na kawalan ng aksyon nito sa pagbibigay ng tamang tahanan, edukasyon at hanapbuhay sa mga naulila at nawalan ng kabuhayan dalawang taon na mula ng rumagasa ang super bagyong Yolanda.

Lulan ng kanilang mga bangka ang mga mangingisda, magsasaka at mga pamilya nila mula sa Basey at Marabot, Samar nang tumungo sa Tacloban Astrodome. Sinalubong sila ng iba’t ibang organisasyon kagaya ng People Surge, Gabriela, Anakpawis at Anakbayan.

Init at ulan ang sinuong ng humigit-kumulang sa dalawampung libong katao na lumahok sa martsa at nagtipon sa Lunsod ng Tacloban. Kahit basambasa ay hindi natinag ang mga magsasaka na nanggaling sa iba’t ibang bayan sa Samar at binaybay ang kahabaan ng tulay ng San Juanico patungong sentrong bayan ng Leyte. Galit na galit ang mga nagmartsa habang isinisigaw na hindi nila iboboto ang kandidato sa pagkapresidente na si Mar Roxas at dapat diumanong singilin siya sa kapabayaan sa kanila kagaya anila ng pangulong Noynoy Aquino.

Nagkaroon ng programa sa sentrong lunsod ng Tacloban at doon ay inisaisa ng mga tagapagsalita sa pangunguna ng People Surge ang lahat ng kasalanan sa kanila ng pamahalaang Aquino kabilang ang kawalan ng matinong tirahan at hanapbuhay sa lahat ng naapektuhan ng bagyong Yolanda. Malaking pera diumano ang natanggap na tulong ng gobyerno mula sa iba’t ibang bansa hindi pa kabilang ang mga galing sa NGO.

Ayon sa isang nakaligtas sa trahedya, pinipili lang ng pamahalaan sa pangunguna ng DSWD ang mga dapat makatanggap ng tulong. Tinitiyak muna na may namatay o may nawala sa mga kaanak bago pa makasama sa listahan ng relief and rehabilitation program ng pamahalaan. Hindi isinasama ang mga pamilyang halos hindi na kumakain sa araw-araw dahil sa pagkawasak ng kabuhayan at hindi naman daw kasi inabot ng baha ang mga bahay.

Tinitiyak ng mga nagprotesta na kahit matapos pa ang termino sa pagkapangulo ni Noynoy sa 2016 ay hindi nila ito tatantanan at papapanagutin nila sa kapabayaang ginawa niya  sa lahat ng mga biktima ng trahedyang Yolanda.