Kung said na ang luha mo Bagong Bayani

Ni Ibarra Banaag

(Inspirasyon mula sa tula ni Ka Amado V. Hernandez)

Lumuha ka bagong bayani, buong lungkot mong iluha
Ang kawawang kalagayan ng lupain mong iniwanan:
Kung bandilang kinagisnan, saklot ng dayong bandila,
Pati wikang minana mo’y sa Mandarin itinatwa.
Ganito ring araw ngayon ng magsangla ka ng lupa,
Tulad ni Flor Comtemplacion ng lisanin ang Maynila.
Lumuha ka habang sila ay bagabag ng `yong layon, 
Ang paslit sa bisig mo’y iniwan mong tumataghoy: 
Katulad mo ay si Huli, naaliping bayad utang, 
Katulad mo‘y si Sisa, binaliw sa bayan ng dayuhan; 
Walang lakas na magtangol, walang tapang na lumaban, 
Pumapalahaw nang gahasain; tumatangis sa tampalasan!
Iluha mo ang sambuntong kasawiang nagtalakop 
Na sa iyo’y pampahirap, sa Gobyerno’y pampalusog: 
Ang lahat ng kayamana’y kamal-kamal na naubos, 
Ang lahat mong kalayaa’y sa Terror Bill ay natapos; 
Masdan mo ang iyong luha, sa Philhealth ay pantubos, 
Masdan mo ang yong sahod, sa sobrang buwis itinustos.
Lumuha ka kung sa puso ay nagmaliw na ang ipon,
Kung ang pundar na bukid, ginawa ng subdibisyon,
Kung ang dagat sa bayan mo, Tsino’t Kano nakadaong,
Kung bundok at ang parang, pinatag ng mandarambong,
Kung ang katawan mo’y inuwi para lamang paglamayan,
Lumuha ka ng lumuha, pangarap mo’y nakaburol.
May araw ding ang luha mo’y masasaid, matutuyo.
May araw ding di na luha sa mata mong namumugto
Ang dadaloy, kundi apoy at adhikain na pupugto,
Rumaragasang galit at kamaong nag-aalimpuyo,
Sisigaw ka ng buong giting tanikala ay malagot,
At ang pangangayupapa, dudurugin sa pagbangon.

Hunyo 8, 2020