Ni Rowena Reyes

Sa kabila ng lumalalang karahasan at panunupil sa mga katutubong mamamayan sa rehiyon ng Cordillera, nanatiling tahimik si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa usapin ng indigenous peoples (IP) rights sa kanyang ika-apat na State of the Nation Address (SONA) nitong nakaraang Lunes.

Sa pinakahuling ulat ng mga organisasyong tumututok sa karapatang pantao, patuloy ang matinding red-tagging, mga gawa-gawang kaso, at malawakang militarisasyon sa mga komunidad ng katutubo mula Hulyo 2022 hanggang Hunyo 2025.

Ayon sa Cordillera Human Rights Alliance (CHRA), labing-isa (11) na ang nakakulong sa rehiyon dahil sa gawa-gawang kaso. Karamihan sa kanila ay matatanda na at may iniindang sakit.

“Noong 2023, apat na aktibistang Igorot mula sa Cordillera Peoples’ Alliance (CPA) ang unang arbitraryong pinaratangang ‘terorista’ sa ilalim ng Anti-Terror Law,” pahayag ng CHRA. Kabilang dito sina Windel Bolinget, Jennifer Awingan, Sarah Alikes, at Steve Tauli.

Kasabay nito, apat pang indibidwal mula Cordillera ang sinampahan ng kasong terrorism financing batay sa hindi katiwa-tiwalang testimonya mula sa umano’y rebel returnees.

Patuloy ring binabansagan bilang mga komunista ang mga lider-katutubo sa mga pampublikong presentasyon ng militar, kabilang ang Joint Task Unit Panagkaykaysa sa ilalim ng 5th Infantry Division, tulad ng kay Col. Rhenante Salvador sa Benguet Provincial Peace and Order Council noong nakaraang Pebrero.

Sa gitna ng panunupil, nananatiling walang aksyon ang administrasyon ni Marcos Jr. upang imbestigahan ang mga kaso ng pagdukot, sapilitang pagkawala, at militarisasyon sa Abra, Apayao, at Kalinga.

Noong Agosto 2022, dinukot si CPA organizer Steve Tauli. Nawawala pa rin sina Bazoo de Jesus at Dexter Capuyan, parehong IP rights advocates matapos hulihin ng mga di-kilalang ahente na nagpapakilalang mga pulis noong Abril 2023.

Naitala rin ang limang aerial bombing operations sa Cordillera mula 2022 hanggang 2024, na nagdulot ng trauma, pagkasira ng kabuhayan, at pinsala sa kalikasan.

Isa pang kaso ng pamamaslang ang naiulat sa Lacub, Abra, kung saan pinatay ng militar si Antonio Diwayan at pinaratangang miyembro ng NPA kahit walang sapat na ebidensya.

Naglabas ng pahayag sa si Bestang Dekdeken ng CPA sa kanilang Facebook page, na mariing kinondena ang pananahimik ng pangulo. 

“Tulad ng sa kanyang unang at ikalawang State of the Nation Address, muling hindi binanggit ni Pangulong Bongbong Marcos ang mga isyung kinahaharap ng mga Katutubong Mamamayan at ang lumalalang kalagayan ng karapatang pantao sa kanyang ikatlong SONA. Gaya ng dati, isinusulong ni Marcos Jr. ang mas maraming dayuhang pamumuhunan na sa totoo’y ibinubenta ang ating mga lupaing ninuno at likas-yaman sa mga banyagang mamumuhunan, gaya ng para sa pagmimina at mga proyektong renewable energy. Ang ganitong polisiya ay patuloy na pagwawalang-bahala sa aming karapatan sa Malayang Pagpapasya (Free, Prior and Informed Consent) at iba pang karapatan bilang Katutubong Mamamayan. Ang resulta nito ay higit pang pandarambong at kalamidad, na lalo lamang nagpapalala sa nakamamatay na epekto ng krisis sa klima na ating nararanasan sa kasalukuyan.” — CPA sec. gen. Bestang Dekdeken

Sa kasalukuyan, halos buong 1.8 milyong ektarya ng Cordillera ay pinasok na ng aplikasyon para sa mining at energy projects, bunga ng mga bagong patakaran gaya ng “green lanes” at mga amyenda sa Renewable Energy Act. #