Kabataan Party: Sara masahol pa sa estudyanteng bulakbol, masamang halimbawa sa lahat

Inilitanya ni Kabataan Youth Party Rep. Raoul Manuel ang mga pagkukulang ni Bise Presidente Sara Duterte sa nagaganap na deliberasyon ng pambansang badyet para sa susunod na taon, bagay na nag-uudyok umano na bigyan ito ng “bagsak na grado.”

Sa isang pahayag sa patuloy na hindi pagsipot ni Duterte sa Kamara de Representante, binigyang-diin ni Manuel na sinadyang hindi nagpapunta si Duterte ng kahit na tagapagsalita upang kumatawan sa kanyang tanggapan sa deliberasyon.

Minarapat ni Manuel na hindi na magtanong sa plenaryo ng Batasan hinggil sa badyet ni Duterte at sa halip ay inilitanya na lamang niya ang “pambabastos” ng Bise Presidente sa Kongreso at sa Konstitusyon.

  • Strike 1: Nag-astang bully at brat ang naka-upong Bise Presidente sa unang pagtalakay ng proposed budget nito sa Committee on Appropriations;
  • Strike 2: Wala sa pangalawang pagtalakay sa Committee on Appropriations;
  • Strike 3: Dumalo pero hindi nag-oath sa unang meeting ng Committee on Good Government and Public Accountability;
  • Strike 4: Pinaghintay tayo ng 17 hours sa plenaryo noong Lunes;
  • Strike 5: Pinaghintay ulit tayo kahapon sa plenary;
  • Strike 6: Ngayon, sa huling araw ng plenary debates hinggil sa 2025 proposed national budget, absent; at
  • Strike 7: Walang pinadalo sa second meeting ng Committee on Good Government and Public Accountability.

Sa ilang araw na lumiban si Duterte sa mga pagdinig, naiulat na pumunta ito at natulog sa isang pribadong resort at nakipapmiyesta sa Naga City at dinalaw si dating bise presidente Leni Robredo.

Makailang ulit na binanggit ng mga representante na responsibilidad ng sinumang pinuno ng anumang ahensiya na ipaliwanag kung paano nila ginasta ang dating badyet at kung para saan ang hinihingi nilang badyet sa susunod na taon.

Mula sa tumataginting na P2.037 bilyon na orihinal na panukala ni Duterte, malamang ay mauwi ito sa P733 milyon na lamang matapos tanggalin ang pondo para sa mga proyektong wala sa mandato ng kanyang opisina.

Hindi na rin mababalik ang kontrobersyal na confidential at intelligence funds ni Duterte na huling nagkahalaga ng P125 milyon na kanyang “winaldas” sa loob lamang ng 11 araw.

Ang pagtanggi ni Duterte na ipaliwanag ang paraan ng paggasta ng kanyang mga opisina, kabilang ang kanyang dating pangangalihim sa Kagawaran ng Edukasyon, ay siyang nagbibigay dahilan sa kanyang mga katunggali sa politika na ipagbawal ang marami sa kanyang kahilingan.

Inakusahan naman ni Duterte na panggigipit ang ginagawa sa kanya ng liderato ng Kongreso dahil humiwalay na siya sa kanyang pakikipag-alyansa kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr.

Maging ang ibang mga kongresistang hindi naman alyado ni House Speaker Martin Ferdinand Romualdez ay sumalo ng mga atake ni Duterte, lalo na ang Koalisyong Makabayan na orihinal na tumutol sa mga kwestiyonableng paggasta ng bise president.

 Subalit hindi umano sapat na dahilan ang away ni Duterte kay Romualdez at pangkating Marcos upang hindi gampanan ang kanyang sinumpaang tungkulin.

“Mas malala pa ito sa mga estudyanteng nagbubulakbol. Hindi natin alam paano natin bibigyan ng pasadong grado ang ganitong public official, and this really sets a bad model, not just to students, not just to young people, but to all public officials in government,” ani Manuel. # (Raymund B. Villanueva)