Indignation rally, isinagawa matapos ang pagpanaw ni Baby River

Pumanaw noong gabi ng Biyernes, Oktubre 9, ang tatlong buwang gulang na anak ng bilanggong pulitikal na si Reina Mae Nasino dahil sa matinding kumplikasyon sa baga. Wala pang dalawang buwan nang inilayo ang sanggol na si River sa kanyang ina dahil sa gawa-gawang kaso.

Tinanggihan ng Korte Suprema ang petisyon ni Nasino na hayaang siyang alagaan ang anak sa piitan kahit isang taon lamang. Makailang-ulit na nag-apila ang mga abogado ni Nasino upang pansamantalang makalaya hanggang pumanaw na ang sanggol. Ang pagkakasakit ng sanggol ay dahil sa hindi ito napasuso ng ina na nagdulot ng mahinang pangangatawan nito.

Nagsagawa ang mga progresibong grupo, sa pangunguna ng BAYAN-Metro Manila ng indignation rally noong Sabado, Oktubre 10, sa Maynila. Ipinanawagan ng mga grupo ang hustisya para kay Baby River at pansamantalang pagpapalaya kay Reina bago ilibing ang anak. Kasama rin sa kanilang panawagan ang pagpapalaya sa mga bilanggong pulitikal at pagpapanagot sa gubyernong Rodrigo Duterte sa kaliwa’t kanang mga gawa-gawang kaso at paghuli sa mga aktibista nito.