‘Hustisya para kay Ka Joseph’

Hustisya ang malakas na panawagan ng mga naulilang pamilya, kaibigan, at kasama ni Joseph Canlas, vice chaiperson ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP) at lider ng Alyansa ng Magbubukid sa Gitnang Luzon (AMGL). Pumanaw ang 59 anyos na lider pesante noong Mayo 11, sa komplikasyon dulot ng COVID-19 na kanyang nakuha mula sa iligal na pagkakulong noong Marso 30.

Matatandaang isa si Canlas sa mga iligal na inaresto sa binansagang ‘Huli Week.’ Tinamnam ng mga gawa-gawang ebidensya ang yumaong lider at ikinulong sa Camp Olivas, San Fernando, Pampanga. Noong Mayo 8 ay isinugod si Canlas sa isang ospital sa Angeles City matapos makaramdam ng hirap sa paghinga. Positibo ang resulta ng kanyang swab test at doon na nga binawian ng buhay.

Mahigpit na kinukundena ng mga human rights group, pati na ng KMP, ang hindi patas na pagtrato kay Canlas habang ito’y nasa kulungan na nagpalala sa mga iniinda na nitong sakit tulad ng hypertension at diabetes. “We will turn our grief into [a] strong indignation and protest [to] this government that kills its people,” saad ng KMP.