[FIRST PERSON] Sigaw ni Ericson Acosta

ni Kenneth Guda

Magtatatlong dekada na, naririnig ko pa rin ang boses ni Ericson Acosta sa isipan ko. Hinahanap-hanap ng pandinig ko ang boses niya sa mga room-to-room, ang nangingisay na pagkanta niya sa mga cultural night sa Vinzons rooftop, sa malamok na grandstand ng Sunken Garden, sa madilim at mausok na tanghalan ng Tumbang Preso at Risiris. Naririnig ko siya kahit sa mga pahina ng Kule, at ng Literary Folio ng term nila na paulit-ulit kong binasa, lalo na iyung sanaysay niya hinggil sa teatro (inisa-isa ko ang references niya doon hinggil sa Chinese theater – lahat makikita sa Humanities Section ng Main Library).

Naririnig ko pa ang boses niya nang sabi niya, ang tanging alam niyang salitang Bikol ay “Warang lubot!” bilang paglalarawan sa kanya – payat, walang pwet. Naririnig ko pa rin ang bersiyon niya ng Romeo and Juliet ng Indigo Girls/Dire Straits. Minsan, ginagawa niyang Joma and Juliet. Iyun ang naging entry point ko sa Indigo Girls, na paborito pa rin ngayon.

Naalala ko pa kung paano siya magsalita sa isang students’ consultation hinggil sa CPDP. Umaalingawngaw pa ang mapaglaro at malikhaing chants niya noon: No Mall, No Lease, No to Tuition Fee Increase! No Way, VFA! Iyun naman ang entry point ko sa progresibong pulitika, na tangan pa rin ngayon.

Dinig ko pa ang mga lektyur niya hinggil sa sining, panitikan at, siyempre, pulitika. Tumimo at baon ko pa rin ang mga turo niya hinggil sa layout. Siya ang nagturo sa aking mag-layout, gamit ang Photoshop at Pagemaker pa noon, noong training para sa Collegian Editorial Exams.

Naririnig ko pa ang paliwanag niya kung bakit kailangang gumamit ng serif at hindi sans serif sa body text (“May buntot ang serif, ginigiya ang mata mula sa unang letra hanggang huli”). Hawak-hawak niya noon ang kopya ng Manila Times, na minsang naging asssitant entertainment editor siya, bilang epitomya noon ng magandang layout (noon ha, chaka na ngayon). Noong matalo ako sa editorial exams, nilapitan niya ako sa Vinzons at sinabing “ganun, ganun dapat!” Sobra kasing tumaya ako noon sa training. Sabi niya, ganun ka dapat lumaban, ibuhos mo ang buong galing at kaalaman mo. Balewala nang matalo ka, basta binuhos mo.

Naalala ko pang pinagawan ko siya ng study ng masthead ng Pinoy Weekly noong 2001, pero hindi natanggap dahil nauna na palang pinagawa ang masthead kay Neil Doloricon. Sino ba naman siya, aniya, para sapawan pa si Neil Doloricon. Naririnig ko pa ang boses niya sa mga email niya sa akin na kulitin si Gappi na pumasok ng PW.

Malinaw pa ang alaala ng di-inaasahang pagkikita namin sa isang kakaibang lugar: sa kanayunan ng Bikol, mga taong 2004 o 2005 ata yun. May ginagawa akong istorya hinggil sa eleksiyon at rebolusyonaryong hustisya (may isang army captain na disipulo ni Gen. Jovito Palparan ang pinatay ng NPA sa isang sabungan sa Sorsogon). Nasa isang liblib na lugar ako para makapanayam ang yunit ng mga rebelde. Nakita ko si Ericson doon. Hindi siya armado. Bumaba sa motorsiko, kasama ang ka-buddy. Naka-shorts, lantad ang maputing legs. Warang lubot.

Nagkuwentuhan kami sa isang kubo. May mga sinusulat daw siya. Kahit nasa bundok, nagrerekluta siya – ng mga kabanda sa Acosta Universe. Sa ibang baryo, may nakausap akong isang kabataan. Siya daw ang drummer ng Acosta Universe. Di nila alam, Acosta si Ericson. Akala nila, kung ano lang na pa-cool na pangalan ng banda. Hanggang bundok, maloko talaga si Ericson.

Nung mahuli siya, narinig ko sa mga bumisita sa kanya ang bago niyang mga kanta. Inisip kung bakit patok ang mga ito. Simple lang ang chord progression (panay major), pero palaging madamdamin. Sinasabayan pa niya ng wido na guitar solo, kahit hindi siya marunong noon maggitara.

Siyempre, makata si Ericson, kaya swabe at swak ang lyrics. Romantiko siya. Hindi mahirap maantig sa mga kanta niya, mula sa panahon niya sa Alay Sining (mga kantang Paalam, Magkasama Magsasama, Dahil, Haranang Bayan, marami pa) hanggang naging Kosa at nang mapadpad ng Hacienda Luisita. Grabeng optimistiko, nagpapanatag, tumatanaw sa magandang hinaharap. Iyung ilang kanta niya, nagpapaalam, nagpaparangal – materyal para sa pagpaparangal din natin sa kanya ngayon.

Medyo garalgal na boses niya nitong huli, parang matandang kumakanta. Pero nandun pa rin ang pag-aasam ng kabataan niya. Malungkot pakinggan, pero kapag pinakinggan mo ang sinasabi, nakakagaan ng loob. Parang sinasabi na mahirap man ang dinaraanan natin ngayon, makakatanaw tayo ng mas maaliwalas na bukas. Hindi man natin abutan iyun, tiyak, yung mga anak natin ang makakaabot.

Pumunta ako sa indigation rally sa Commission on Human Rights noong Miyerkules. Habang naghahanda ang mga bata sa programa, pinatutugtog ang mga kanta ni Ericson, narinig ko muli ang kanyang boses. Ilang beses akong napalunok ng hikbi.

Sabi sa mga ulat, ilang beses silang sinaksak ng kasamahan niya sa isang bahay ng magsasaka sa Kabankalan, Negros madaling araw noong Nobyembre 30. Kinailangan talagang maraming beses siyang saksakin, tadyakan, sikmurahan, sipain, bago mamatay. Naiisip ko na ang nakabibinging sigaw niya habang pinapatay siya. Hanggang sa huling sandali, tiyak, sumisigaw siya. At kahit naubos na ang dugo sa payat at warang lubot niyang katawan, naririnig pa rin natin ang boses ni Ericson Acosta.