Chricelyn Empong, ang Lumad na Greta Thunberg

Tampok ngayon ang isang 16 taong gulang na climate activist na si Greta Thunberg mula sa Sweden. Ito ay dahil sa kanyang matatapang na mga pahayag hinggil sa lumalalang problema dulot ng pagbabago ng klima o climate change. Giit ng dalaga na dapat ay agarang kumilos ang iba’t ibang lider sa buong mundo upang solusyunan ang nagbabadyang tuluyang pagkasira ng ating kalikasan.

Dito sa Pilipinas, nananawagan din ang mga kabataang Lumad na protektahan ang lupang ninuno at ang kalikasan.

Isa si Chricelyn Empong sa marami pang estudyanteng lumad na napilitang mag-bakwit dito sa Maynila dahil pagpapasara ng gobyerno sa kanilang mga paaralan. Tulad ni Greta, naninindigan din si Chricelyn na dapat lamang na kumilos at lumaban hinggil sa pangangalaga sa ating kalikasan.

“Buhay ng buong mundo ang nakasalalay sa aming pagkilos ngayon. Hindi namin kailanman tatalikuran ang susunod na henerasyon gaya ng pagtalikod ng gobyernong Duterte,” pahayag ni Chricelyn.

Sa ngayon, nagaganap ang isang Global Climate Strike kung saan kabilang si Greta at ang mga kabataan lumad. Nagsimula ito noong Setyembre 20 at magpapatuloy hanggang Setyembre 27. Hinihikayat nito ang lahat na sumama sa mga kilos protesta upang igiit ang hustisya para sa ating kalikasan. Ito rin ay para itulak ang iba’t ibang pulitiko na magsagawa ng mga solusyon upang mapangalagaan ang kalikasan. (Video ni Jo Maline Mamangun/Kodao)