Ngayong araw ang ika-anim na anibersaryo ng pagkakapasa ng Anti-Terrorism Act of 2020. Ito ang naging pangunahing batas ng Estado para usigin ang mga aktibistang walang ibang ninais kundi itatag ang isang lipunang makatarungang makatarungan at malaya.
ni Iya Espiritu
Anim na taon na simula ng maging batas ang Anti-Terrorism Act (ATA) of 2020. Ipinasa ito ng rehimeng Rodrigo Duterte samantalang tila ikinulong ang mamamayan sa mga kwarantinang gamit ang pandemya ng Covid-19 bilang dahilan. Mariing kinokondena ng mga tanggol-karapatan mula sa iba’t-ibang sektor ang nasabing batas.
Sa naganap na media forum nung ika-1 ng Hulyo, ani Atty. Ephraim Cortez, Presidente ng National Union of People’s Lawyers (NUPL): “Ang patuloy na paggamit ng Anti-Terrorism Act of 2020 kaakibat ng Terrorism Financing Prevention and Suppression Act of 2012 ay naglalayong patahimikin ang mga protesta at dismaya ng mamamayan sa mga mali sa pamahalaan.”
Nagsalita rin sa pagtitipon ang mga lider at organisador ng mga katutubo, taong simbahan, manggagawa, magsasaka, mangingisda at mga nagsusulong sa karapatan at kapakanan ng mamamayan. Pawang mga biktima sila ng batas na kalaunang naibasura dahil sa kakulangan ng ebidensya at mga gawa-gawang kaso lamang.
Kung walang kasalanan, bakit pinaratangan at ikinulong ng ilang ulit at taon gamit ang ATA? Ano ang silbi ng batas kung ligalig ang dulot at hindi pagtatanggol sa karapatan ng mamamayan?
Ang ligalig sa pandaigdigang saklaw
Matingkad na usapin sa mga kanluraning bansa ang terorismo at finance terrorism. Naging lokal itong usapin dahil idinuldol ito sa Pilipinas batay sa kanilang estratehikong disenyo at implementasyon na usigin ang mga hindi sumusunod sa kanilang nais na hegemonya sa daigdig.
Hindi maikakaila na may mga bansang (tinaguriang Third World countries) na mayaman ang karanasan sa pakikibaka para kamtin ang tunay na kalayaan, demokrasya at pambansang soberanya. Sila ang mga tunay na puntirya ng batas na umano ay magwawakas sa terorismo. Hindi collateral damage ang mga aktibista ng buong daigdig kundi ang pagpapatahimik sa kanila ang tunay na layunin.
Nagsimula ito dalawang dekada na ang nakalipas, noong Setyembre 8, 2006. Nagbuo ang United Nations General Assembly ng Financial Action Task Force (FATF) – tulak ng G7 na Canada, France, Germany, Italy, Japan, United Kingdom of Great Britain at US – na gagawa ng mga resolusyon at ipapaabot sa UN upang aprubahan. Ngunit walang ligal na batayan ang kanilang mga dahilan at malinaw na imposisyon lamang ng mga mayayamang bansa sa mga pamahalaang sunud-sunuran sa kanila.
Nakapagbuo ng apatnapung (40) rekomendasyon ang FATF na mahalaga para sa kanilang balak: pagpipinansya sa terorista; regulasyon ng mga bangko; pagpapatupad ng mahihigpit na rekisitos; rekisitos para sa pagrerehistro sa Securities Exchange Commissions (SEC); at pagkilala, kontrol at pangangasiwa sa mga seguridad ng mga kliyente o nagmamay-ari.
Masugid na sumusuporta sa mga imposisyon ng FATF ang gubyerno ng Pilipinas. Maaalalang panahon pa ni Gloria Macapagal-Arroyo ay mayroon nang Human Security Act of 2007 (Republic Act 9372) na ipinasa bilang kauna-unahang batas na komprehensibong kontra-terorismo. Sinunod ang Republic Act 10169 o Criminalizing Financing Terrorism, The Terrorism Financing Prevention and Suppresion Act of 2012 at ng Anti-Terrorism Act of 2020.
Nagtayo din ng kahalintulad ng FATF na tagapagpatupad ng freeze orders at financial sanctions gaya ng Anti-Money Laundering Act (AMLA), TFPSA at ATA.
Ang mga nasabing batas ay agad na sumuwag sa mga organisasyong makatao at mga kagawad nila. Sinampahan ng mga kaso ang mga organisasyong nagsisilbi sa iba’t-ibang sektor, rehiyon at komunidad, tulad ng Rural Missionaries of the Philippines, Frenchie Mae Cumpio at Mariel Domequill, United Church of Christ in the Philippines- Haran Center, AMIHAN, Cordillera People’s Alliance, Leyte Center for Development, Citizen’s Disaster Response Center at Community Empowerment Resource Network.
Bukod sa implementasyon sa mga batas na ito, nagpapakahusay pa ang gobyerno na sanayin ang mga husgado at prosekyutor upang iwasiwas ang mga batas na ito laban sa mga sibilyan.

Napawalang-salang mga biktima ng ATA at ang kanilang patuloy na laban
Si Rev. Glofie Baluntong ng United Methodist Church ay naaresto taong 2020 sa kasong murder at ATA. Ngunit matapos ang apat na taong paglaban sa gawa-gawang kaso ay pinawalang-sala dahil sa kawalang-ebidensya.
Aniya, “Bago pa man ako makulong, dumanas ako ng panghaharas at red-tagging. Matindi ang epekto nito. Nawalan ako ng istabilidad dahil kelangan kong magpalipat-lipat. Naka-apekto sa gawain sa simbahan dahil hindi nagtutuloy-tuloy ang aming ministry work. Nang madismiss ang kaso, muli akong bumalik sa simbahan at nagpatuloy sa aking mga tungkulin. Maraming dapat gawin dahil responsibilidad ang tulungan ang ating kapwa at manataling matapang sa pagpapatuloy ng laban para sa hustisya.”
Si Windel Bolinget ay lider-katutubo mula sa Cordillera Peoples’ Alliance (CPA). Naitatag ang kanilang samahan noong 1984, panahon pa ni Ferdinand Marcos, Sr. Ito din ang panahong malakas ang paglaban sa Chico Dam at ang paggiit ng karapatan ng mga katutubong mamamayan sa lupang ninuno.
“Hanggang sa kasalukuyan nagpapatuloy ang mga proyekto ng gobyerno tulad ng mga iligal na pagmimina at pagtatayo ng mga dam, pagsasapribado ng mga pampublikong serbisyo. Ito ay mga programang nagtataboy sa aming karapatan, kung kaya naman kami ay walang tigil na lumalaban para ipagtanggol ang aming mga sarili, ang aming organisasyon, komunidad at bayan. Taong 2018, sinama ang CPA sa listahan ng mga teroristang grupo na binasura ng Korte Suprema. Nung 2020, sinampahan ako ng kasong murder at biktima ako ng terrorist-tagging. Nakulong ng dalawang buwan. Nang makalabas lumaban ako nag kontra-demanda ako sa lokal at nanalo. Hindi dapat matakot at malaking bagay na buo ang loob upang labanan ang anumang tipo ng panggigipit. Tuloy ang laban!”
Si Steve Tauli, kasama ni Windell sa CPA ay inakusahan ding terorista. Ayon sa kanya: “Mahirap ang paratangan kang terorista kung hindi ka naman ganoon. Ano ang masama sa pagtatanggol sa mga katutubo, sa lupang ninuno? Wala! Kaya nang kami ay lumaya kinilala kaming persons with significance, taliwas sa mga gawa-gawa nilang kaso at pagpaparatang. Ang aking dinanas ay lumikha ng takot para sa aking pamilya at komunidad. Tayo ay magpapatuloy hindi lamang sa ligal na pamamaraan kundi pati sa ating gawaing kampanya. Labanan natin ang batas na ito”.
Isang lider manggagawa at organisador si Rhoel Alconera mula sa Unyon ng mga Panadero sa Gardenia Bakeries Philippines, Inc., kasapi ng OLALIA-KMU sa Timog Katagalugan. Kinasuhan siya ng terrorism financing. Kwento ni Rhoel: “Naganap ang pagpunta ng mga militar nang makiisa sila sa laban ng mga manggagawa ng Coca Cola nung May 2020 na nasundan ng laban ng mga manggagawa ng Nexperia. Nung Marso 2021 naganap ang Bloody Sunday Massacre. Sunod-sunod na panghaharas at pagmamalupit. Taong 2022, pinaghahandaan namin ang aming sariling CBA. Agosto, bumisita na ang mga militar sa aming komunidad at tinataong wala ako at pinagkakalat nila na ako daw ay NPA. Setyembre 22, 2023 nang idaos ang Certification of Election at lumabas landslide ang resulta ng eleksyon.”
“October 7, lumabas ang subpeona at may kaso daw akong financial terrorism. Ngunit noong 2024, nakita na no probable cause at na-dismiss ang kasong ATA at Terrorism Financing. Tuloy pa din tayo sa gawain hindi tayo mapipigilan dahil nasa tama tayo walang masama ang ipaglaban ang karapatan ng mga manggagawa. Matapos ang lahat ng nangyari, malaki ang naging epekto sa aking inang maysakit. Mas yan ang mabigat para sa akin. Sa ngayon tuloy pa din sa gawain at dumadanas pa din ng panghaharas ng mga militar. Bumalik ng 2025 ang mga militar na nasa aming lugar nung 2020. Ibig sabihin nagtutuloy-tuloy sila sa maling gawain. Kaya hindi din tayo dapat huminto dahil tayo ay nasa tama,” kwento niya.
Si Perla Pavillar ng Paghidaet sa Kauswagan Development Group sa Negros ay nakulong noong 2025 sa kasong terrorism financing. “Pugad ng mga landlord, tulad ng mga Cojuangco, ang Negros. Matindi ang dinadanas na kahirapan ng mamamayan sa lugar laluna ang mga magsasaka at mangingisda. Kaya naman marami na din ang tumutulong, tulad ni Atty. Ben Ramos, ang pinaslang. Matindi ang takot na idinulot sa aming pamilya, apektado ang aming mga gawain at kahit pa ngayong dismissed na ang kaso. Nararanasan pa din ang pangha-harass ng mga militar at red-tagging. Sa kabila nito, tuloy pa din na bumalik sa trabaho upang makapaglingkod sa mga magsasaka at mangingisda. Ipagpatuloy natin ang pagpapalakas ng ating mga organisasyon, himukin ang suporta ng masa at mga ayado. Mas mananaig pa din ang katotohanan dahil ramdam ito ng lahat. Hindi ito maipagkakaila ng mga nang-aabuso sa tao,” paliwanag ni Perla.
Kasalukuyang nakadetine sa Correctional Institute for Women (CIW) sina Frenchie Mae Cumpio isang mamamahayag at human rights advocate kasama si Marielle Domequil kapwa tubong Tacloban ay hinatulan ng terrorism financing.
Sabi ni Kyle Domequil kapatid ni Marielle at kasapi ng Katungod Sinirangan Bisayas: “Napakabigat ng pakiramdam ng hatulan sila Ate Frenchie at Ate Marielle sa kasalanang di nila ginawa. Magkahalong pagod at galit dahil sa pagpaparatang sa kanila na walang katotohanan. Sa kabila ng patuloy na panghaharas kahit sa akin, profiling at red-tagging, lalong natutulak akong maging matapang at piliin ang maging human rights worker tulad nila Ate. Mahirap pero tuloy lang at di kami titigil hanggang sila ay lumaya. Alam namin mas madaming rekurso ang gobyerno pero nagpapasalamat kami sa mga nakukuhang suporta mula sa mga abogado at mga kaibigan sa midya. Napakalaking tulong po para kami ay tumatag.”
Sila ang mga kwento ng mga biktima ng di-makatarungang mga batas na ito. Sinasampahan sila ng mga kasong gawa-gawa at walang matibay na ebidensya. Dumaranas ang marami dahil sa malulupit na batas, tulad ng pagkaka-kulong, pang-uupat, panggigipit, at red-tagging. Maga batas silang mapang-ligalig, ngunit ampaw kung ihahambing sa kadakilaan ng paglilingkod ng mga biktima. #








