‘Atin ang ‘Pinas,’ sigaw ng United People’s Sona 2019

Umabot sa 40,000 ang lumahok sa United People’s Sona 2019 at nagmartsa mula Commission on Human Rights hanggang sa tapat ng St. Peter’s Parish sa Commonwealth Avenue sa Quezon City noong Hulyo 22.

Ang protesta ay may temang “Tama na!, Sobra na!, Ipaglaban ang demokrasya, kabuhayan at soberanya!” Lumahok ang iba’t-ibang grupo at mga personalidad para ipanawagan na ipaglaban ang Pilipinas laban sa dayuhan.

Mariin nilang binatikos si Pangulong Rodrigo Duterte sa kanyang ika-apat na State of the Nation Address. Ayon sa Bagong Alyansang Makabayan (BAYAN), tuluyang isinuko ni Duterte ang soberanya ng bansa sa mga teritoryo nito pabor sa interes ng imperyalistang China. Kapalit anila ng napakalaking pautang, lalong malulubog ang taumbayan sa kahirapan. Nanawagan ang BAYAN na patalsikin na ang traydor, pahirap at diktador na pangulo.

Bukod sa isyu sa West Philippine Sea, binitbit din sa United People’s Sona ang mga isyu tulad ng kontraktwalisasyon, kawalan ng lupa sa mga magsasaka, mataas na presyo ng mga bilihin, tumitinding militarisasyon at paglabag sa karapatang pantao at iba pa. (Music: Background News/Bidyo nila: Jomaline Mamangun, Louella Ladaran, Joseph Cuevas at Romie Malonzo)