Ipinakikita ng mga larawang kuha sa loob ng presinto ng Manila Police District na ang detenidong may kapansanan ay binugbog habang nasa kustodiya ng pulisya.
Ni Nuel M. Bacarra
Una kong nakilala si Myra, 47 taong gulang, sa harap ng tanggapan ng Manila Police District (MPD) sa UN Avenue sa Maynila noong Setyembre 23. Naroon siya dahil hinuli ng pulis ang kanyang anak na si Edsel Ace Santos, 20 taong gulang na may sikolohikal na kapansanan. Sila ay mula sa Pritil, Tondo, Maynila.
Isa si Myra sa ilampung mga kamag-anak ng mga inaresto na naghihintay na makapasok sa tanggapan. Noong panahong iyon, ang pinapapasok lamang sa loob ay yaong mga magulang, kapatid o mga kamag-anak ng bilanggo na nakatakda nang isalang sa inquest proceedings.
Madali siyang pumayag para makapanayam. Anya, siya ay nasa seminar sa simbahan ng San Pablo Apostol sa Tondo noong may malaking demonstrasyon sa Luneta noong Setymebre 21. Mga bandang ala-singko na niya nabalitaan mula sa kanyang bunsong anak na hinuli ng mga pulis si Edsel. Kaswal pa ang pagkukuwento niya noon bagamat bakas na ang pag-aalala.

Ilang minuto pa lang nang matapos ang panayam ay tinawag na ang pangalan niya para makapasok sa loob ng bilangguan at makita at makausap ang anak. Doon niya nalaman na nakatikim ng bugbog si Edsel sa mga pulis. Kitang-kitang sa larawang mula sa kanya rin ang malaking pasa sa bandang kaliwang likod ni Edsel at mga galos sa ibang bahagi ng katawan, maging sa talampakan. At hindi lamang ito ang dinanas na kalupitan ng 20 anyos na may kapansanan. Pagdalaw muli ni Myra, piniktyuran muli niya ang malaking sugat sa kanang bahagi ng noo ni Edsel, tanda ng paulit-ulit na pambubugbog.
Nagkita kaming muli ni Myra noong Huwebes, Setyembre 25, sa United Methodist Church Headquarters na halos katapat lamang ng Manila Police District. Sa pagkakataong yaon, humahagulhol na siya habang kausap ang isang upisyal ng simbahan at sige ang pagsusumamo na tulungan para makalabas ang anak. Dahil ito sa kasong isinampa ng pulisya laban kay Edsel na illegal assembly, direct assault, resisting arrest, disobedience at arson. Maliban sa arson, pwedeng makapagpyansa sa iba pang kaso. Subalit dahil sa kasong arson, mananatiling nakakulong si Edsel.
Si Edsel ay hinuli sa may Ayala Bridge noong hapon ding yaon ng Setyembre 21. Matapos ang coverage sa Luneta, inianunsyo ng mga nag-organisa ng pagkilos ang planong pagtungo ng bulto ng mga demonstrador para sa pinal na programa sa Mendiola. At mula Luneta, tumungo kami ng kaupisina kong may sasakyan doon at binagtas namin ang Ayala Boulevard mula sa Taft Avenue. Isang ruta ang pagdaan sa Ayala Bridge patungong Mendiola mula sa Luneta. Nadatnan namin doon ang malaking container van sa may tulay mismo.
May mga pulis na naroon na nangharang ng mga sasakyan. Hindi na talaga makakalampas doon dahil ang buong container van ang nakalabalandra sa tulay. Nakita namin na may mga kabataan nang naroon at may kaguluhan nang nagaganap. Hindi na rin kami pinalampas ng pulis kaya bumwelta na kami para makarating sa Mendiola. Hindi pa kumpletong nakatitipon ang buong delegasyon ng mga demonstrador nang maganap ang kaguluhan at ang maramihang hulihan sa Mendiola mismo.

Sa tulad ni Edsel na isang person with disability na dumanas ng matinding pambubugbog na makikita sa mga sugat at pasa sa katawan ay hindi katanggap-tanggap sa kaninuman, laluna sa isang inang tulad ni Myra. Hindi biro ang maghintay sa labas ng himpilan ng pulisya na walang masilungan sa init ng araw at maging sa ulan. Sa ilang beses kong pagpunta sa MPD, ulanin-arawin ang mga kamag-anak na naroon maging ang mga paralegal officer ng iba’t ibang progresibong organisasyon, bukod pa sa mga boluntaryong abogado. Marami rin ang boluntaryong nagpapadala ng pagkain at iba pang pangangailangan para sa mga bilanggo.
Ang mga tulad ni Myra at ni Edsel ay mga biktima. Ang malaking demonstrasyon sa Luneta, maging sa People Power Monument sa EDSA ay ekspresyon ng galit ng mamamayan sa sistematikong katiwalian at korupsyon sa pamahalaan. At apektado rito ang malaking bahagdan ng mamamayan laluna ang kabataan. Ang galit na ito ang apoy na nagpapaliyab sa mamamayan na magtipon para maningil.
Ang dalamhating nararamdaman ni Myra dahil sa di maktwirang pambubugbog kay Edsel sa ngayon ay dinaraan niya sa pag-iyak at pagsusumamo sa sinumang maaaring makatulong para makalaya ang anak.
Subalit katulad rin ng ibang maaari pang mamulat sa kung anong meron ang sistema ng bansa dahil sa mga ganitong kaganapan, laluna ang kabataan, malamang sa hindi, mauulit at mauulit ang pisikal na labanan sa lansangan at ang papalaking pagkilos ng sambayanan. #







