Ang inyong matatamis na ngiti

Ni Ibarra Banaag

 

Sana’y di nagkamali sa treno’ng inyong sinakyan.
Nakakaaliw man at nakakabingi ang hagikgikan.
Ang sumakay ay di libre bagkus ay babayaran.
Ng buwis at inutang sa kawatang dayuhan.

Sana ay may preno ito sa pag-arangkada.
At ng di rumagasa sa mga barong- barong.
Malimas, madambong, pilak, gas at ginto.
Habang pinapatag matatayog na bundok.

Hiling ko sa pasahero ng Train 1 at 2.
Dumungaw naman kayo sa bintana ng bagon.
Masdan ninyo ang pumipila sa palabigasan.
Habulin niyo ng tingin ang mga Inang luhaan.

Sana’y maalimpungatan sa liliw ng bangungot.
Hindi dilaw ang buhay at dugo na nangalalagas.
Hindi pula ang naghahangad ng pagkawasak
Kundi ang uring sumasaklot sa katarungan.

Sa tuloy tuloy na pagragasa ng inyong tren.
Hindi lang puno ang nabubuwal kundi buhay.
Hindi lang ilog ang natutuyo kundi lalamunan
Hind lang burol ang napapatag kundi komunidad.

Hindi kalaban sa politika ang nakukulong.
Ang nasa piitan ay demokrasya at kamangmangan.
Hindi katungali sa eleksyon ang nasa bilibid.
Kundi ang kalayaan sa isang makatarungan lipunan.

Ako sa inyo ay may isang panalangin.
Na ‘wag maunsyami ang inyong pagbubunyi.
Kung kayo na ang biktima ng panggigipit.
Tumimbwang at sabihin kayo’y nanlaban.

                  –Setyembre 26, 2018