Binasa bilang bahagi ng pagdiriwang sa ika-10 anibersaryo ng pagtatatag ng Altermidya

Ni Raymund B. Villanueva, tagapangulo, People’s Alternative Media Network

Magandang hapon.

Una sa lahat, ang pagpapasalamat ng buong People’s Alternative Media Network sa inyong pagdalo ngayong hapon.

Salamat kay Dekano Fernando Paragas ng UP College of Mass Communication sa pagtanggap sa ating lahat at sa pagpayag na bumalik ang Altermidya sa kanyang sinilangan at matatawag na naging kuna mula sa kanyang pagsilang. Ngayong taon, sampung taong gulang na tayo. Nawa’y patuloy pa kaming tanggapin ng UP-CMC dahil, sa lahat ng paaralang pang-dyornalismo at pang-madlang komunikasyon—huwag naman sanang ipagtampo ito ng iba pa naming sinisilungang paaralan—ito ang aming itinuturing na tahanan dahil dito galing ang aming founding chairperson na si Dean Luis Teodoro.

Maraming salamat din sa ating mga naging tagapagsalita, una na kay Dekana Georgina Encanto. Ma’am, marami sa amin na alternatibong mamamahayag ang iyong naging mag-aaral, kundi man regular na estudyante rito ay mga fellow sa Lopez Jaena community journalism workshops. Malaki ang utang na loob namin sa inyo.

Maraming salamat, Propesora Ma. Diosa Labiste, na naging alternatibo at community journalist sa mahabang panahon. Mapalad ang iyong mga estudyante dahil kapag nagsasalita ka tungkol sa makabayan, matuwid at kapaki-pakinabang na dyornalismo, galing iyon sa iyong mahabang karanasan at maningning na halimbawa.

Maraming salamat, Prop. Danilo Arao, na dahil chairperson ng hindi bababa sa dalawang board ng kasaping media outfit, patnugot at nagsusulat sa hindi bababa sa dalawang kasaping media outfit, at kasama sa pagtatatag ng Altermidya ay marapat nang ituring na “Tito” ng Altermidya.

Larawan ni Lito Ocampo/Kodao

At Prop. Kara David, maraming salamat sa pagpapadaloy ng kauna-unahang Luis V. Teodoro Legacy Lectures. Nawa’y makatuwang ka pa namin sa mga susunod na aktibidad at sa mahaba pang panahon, hindi lamang para pagpugayan ang aming pangunahing tagapag-tatag kundi sa pagsasabuhay ng legado ng makabayan at progresibong pamamahayag.

Hindi dapat magtapos ang ating pagdiriwang na hindi rin natin pagpugayan ang mga tulad ni Dean Luis sa ating hanay na nauna na: Si Engr. Ramon Ramirez ng Arkibong Bayan, Wilfredo Villareal ng Pokus-Gitnang Luson, at Kathleen Okubo ng Northern Dispatch.

Sa ating pag-uwi, ingat tayo. Ingat tayo sa trapik, sa ulan, sa baha, at sa lahat ng demonyo sa daan at lipunan.  

Like, share, follow at join Altermidya.

Salamat muli. #