, ,

ITANONG MO KAY PROF: Podcast on FQS Commemoration 2015 (Last Part)

ITANONG MO KAY PROF
Panayam ng Kodao kay Prof. Jose Maria Sison
January 22, 2015

4. Sa inyo po bang pagtingin, dapat pa bang magpatuloy ang KM? May mahalaga bang papel ang kilusang kabataan sa buong laban ng mamamayan?

JMS: Dapat magpatuloy ang KM. Nagpatuloy naman ito sa underground sa panahon ng martial law at pagkatapos. Nananatili ang pangalan na Kabataang Makabayan kahit na ito ay gumaganap ng papel ng Communist Youth League. Ipinagpapatuloy ng KM ang rebolusyong Pilipino sa hanay ng kabataan. Gusto nitong magwagi ang bagong demokratikong rebolusyon at kasunod nito umpisahan ang sosyalistang rebolusyon.

5. May mensahe ba kayo sa darating na paggunita sa FQS?

JMS: Ipagbunyi ang FQS bilang dakilang tagumpay ng kabataang Pilipino at sambayanan sa pakikibaka para sa pambansang kalayaan at demokrasya laban sa imperyalismong US, pyudalismo at burukrata kapitalismo. Parangalan ang mga martir ng FQS. Gunitain ang mga sakripisyo, pakikibaka at mga tagumpay ng mga lumahok sa FQS. Ipagbunyi ang pagpanday ng FQS sa maraming bayaning kalalakihan at kababaihan na nagpatuloy ng pakibabaka sa panahon ng martial law at hanggang ngayon.

Ang mga prinsipyo at layunin ng FQS ay buhay ngayon sa isip at damdamin ng ating mga kababayan na nais magkamit ng ganap na pambansang kalayaan, demokrasya, hustisya sosyal, pag-unlad, kasaganaan at kapayapaan.###

(Malaking pasasalamat kay Mon Ramirez sa kanyang mga siniping larawan ng FQS mula sa kanyang pagsasaliksik.)